NABASAG ang kalasag na iniharang ni Ram sa matutulis na kuko ng kalaban. Tumagos ang mga kuko, dumiretso sa kanyang balikat! Duguan siyang napa-urong. Malakas na natawa ang kalaban niya sabay bawi sa kuko nito.
“Kulang na kulang ang kapangyarihan mo para ipagtanggol ang iyong sarili bagito. Alam mo bang baliwala ang lahat ng mga suot mong armor, maging yang espada mo kung di mo mababalot ang mga iyan ng lakas ng aura mo?”
Tinabig ng mahahabang kuko nito ang hawak niyang espada. Tulad ng kalasag ay parang salamin na nabasag iyon.
Noon niya na-ala-ala ang lectures ni Rasile.
“Hindi uma-asa sa sandata ang Equinox dahil kaya niyang gawing sandata ang kanyang katawan, gawing kalasag ang anumang parte ng katawan niya.”
Ang kailangan lamang ay mag-concentrate siya.
Umatakeng muli ang kalaban niya. Sa pagkakataong ito ay target nito ang kanyang ulo!
Dapat siyang mag-concentrate! Isipin na sintigas ng asero ang kanyang ulo at leeg…Nakita niya ang matutulis na kuko! Kayang-kaya nitong putulin ang leeg niya!
Nagulat ang Sinister nang hangin ang tamaan ng matutulis nitong kuko. Nawala si Ram! Narinig nito ang isang tunog sa may likuran nito. Naroroon si Ram, nakaluhod.ang isang tuhod habang nakatuon ang isang kamay sa sahig.
Nabigo si Ram na makapag-concentrate. Ngunit nagising ang instinct for survival niya. Sa pag-atake ng kalaban ay napatalon siya.
Tumiim ang bagang niya. Mula nang maging Equinox siya ay wala na ata siyang ginawa kundi tumakbo. Walang nananalo sa ganoong klase ng teknik!
Ang sakit na nararamdaman niya sa kanyang balikat ay isina-isantabi niya. Tumayo siya. Hinarap ang kalaban. Kung di niya magagawang talunin ito, ano pa ang laban niya sa ibang Sinisters?
At hindi siya mahina. Siya ang Equinox!
Bago pa muling naka-atake ang kalaban ay sumugod siya. Tinalasan niya ang paningin at pakiramdam. Biglang naging napakabagal ng galaw nito. Nakita niya andg diresyong tinutungo ng mga humahabang kuko nito! Ito ang ika-anim na kapangyarihan ng Equinox!
Walang anuman na naiwasan niya ang mga atake nito. Nakalapit siya dito. Isa itong babae, posible kayang tulad ng isang normal na babae ay nasa sikmura din ang kahinaan nito?
Isang malakas na sipa ang ibinigay niya dito sa sikmura. Yukod ito. Umurong. Ngunit tumawa din.
“Hindi pa tapos ang laban!”
Naguluhan siya sa inasal nito. Bigla niyang naramdaman ang panganib sa likuran niya! Pag lingon niya ay sinalubong siya ng limang matatalas na kuko na sumisibat! Tumagos sa dibdib niya ang mga kuko!
Huli na nang ma-realize niya. Kaya ng kalaban niya na alisin ang mga kuko sa daliri nito at utusang kumilos, lumipad sa anumang direksyon!
Napaluhod siya. Hindi siya makahinga. Ramdam niya ang pagtagos ng isa sa mga kuko sa puso niya, dalawa ay sa baga at yung iba pa ay sa sa iba pang parte ng kanyang katawan! Nanlalabo na ang kanyang paningin. Napaluhod siya. Ito na ba ang katapusan niya? Sinulyapan niya ang Sinister.
Nakahandusay ito sa sahig! Ang mga tumagos na kuko nito ay nakatarak ngayon sa katawan nito!
Ngumiti ito.
“Mauuna ka sa aking mamatay bagito! Ako ang magwawagi sa competition na ito!”
Paano ito mananalo at makaka-survive sa klase ng sugat na tinamo nito? Kumislap sa isipan niya ang sinabi ni Rasile. Ang lahat ng contestant sa game na ito ay hindi talaga mamamatay. Nabubuhay ulit, gumagaling ang lahat ng sugat. Iyon ay kung isa kang Sinisiter.
“No way! You die first!” sigaw niya dito habang sapo-sapo ang dumudugong dibdib.
“M-Matagal akong mamatay. At baliwala ang sugat na ito….”
“Lalo na ako!” giit niya. Ngunit sa loob-loob lamang niya ay natatakot na siya. Kung normal siyang tao, kanina pa siya namatay.
Naupo siya. Huminga ng malalim. Breathing exercises. Sinabihan niya ang katawan na simulan nang gamutin ang sugat. Ngunit animo ayaw sundin ang kanyang utos. Nagpatuloy ang sakit, ang pagdaloy ng dugo sa kanyang katawan. Sinulyapan niyang muli ang Sinister. Nakapikit na ang mga mata nito. Patay na ba ito?
Naglaho sa paningin niya ang katawan ng sinister.
“Contestant no. 5309 wins the first round!” malakas na pahayag ng announcer.
Iyon ang kanyang number! Ibig bang sabihin ay nanalo siya!?