MATINDI ang labanang nangyayari sa kalsada ng Munich. Madugo ang naging engkuwento ng mga sundalo at mga citizens na karamihan ay estudyante na nagde-demand ng reforms tulad ng mga pagbabago sa press censorship at regulasyon sa unibersidad. Nakadagdag din sa galit ng mga tao ang mga nangyayaring problema sa pagkain at potato blight.
Sa gitna ng madudugong labanan, marami ang namatay, ang nasugatan. Karamihan sa mga patay ay nakahandusay pa rin sa kalsada, mas inu-una kasing dalhin sa ospital ang mga sugatan.
Isa sa mga sugatan ang batang sundalo na si Rolf Warburg. Ngunit nakahilera siya sa mga patay kaya’t inakala ng mga kumukuha sa sugatan na patay din siya.
Pinadala ang regiment nila sa siyudad para pigilin ang mga revolutionaries at maprotektahan ang mga inosenteng tao. Ngunit hindi iyon ang nangyari. Napasabak sila sa pakikipaglaban.
Hindi na maala-ala ni Rolf kung nasaksak siya o nabaril. Ngunit batid niyang ang tama niya sa tiyan ay fatal. Kahit na madala pa siya sa duktor, di na siya makakaligtas pa. Kulang ang kakayahan ng mga ito para buhayin pa siya.
“Scheiß!” mura niya sa sitwasyon niya habang pinapanood niya ang pagtagas ng dugo sa kanyang katawan habang nakasandal siya sa dingding ng isang gusali. Unti-unti na rin niyang nararamdaman ang lamig na bumabalot sa kanyang katawan. Ang panghihina niya. Ang panlalabo ng kanyang paningin, “Hindi tama ito!” himutok niya. “Napakabata ko pa para mamatay! Marami pa akong gustong gawin sa buhay ko. Gusto kong maglakbay, makakilala ng maraming tao!”
“Itigil mo na ang pakikipaglaban mo Rolf Warburg. Dumating na ang takdang oras para lisanin mo ang mundong ito.”
Naguluhan si Rolf. Sino ang nagsasalita? Ang tanging kasama lamang niya sa lugar na ito ay mga bangkay! O isa iyong halusinasyon? Nagsisimula na ba siyang mabaliw?
“Ipikit mo na ang mga mata mo Rolf…Hindi ka na dapat pang manatili dito.”
“Tumahimik ka! Hangga’t may lakas ako ay di ko basta na lamang isusuko ang buhay ko!” asik niya.
Naramdaman niya ang isang malamig na bagay sa kanyang ulo. Napakurap siya ng mata. Isang kamay iyon. Isang kamay na nakalutang sa hangin!
“S-Sino ka? Anong ginagawa mo sa akin? Huwag mo akong hawakan!”
Umalis ang kamay sa kanyang ulo. Noon niya unti-unting nakita ang isang anino. Nakatalukbong ito. Nababalot ng itim na damit ang buong katawan.
“Anong uri ka ng nilalang?”
“Nakikita mo ako? Imposible! Tanging ang mga kaluluwa na lamang ang makakakita sa akin. Ngunit buhay ka pa.”
“Anong kailangan mo sa akin?” ewan niya ngunit nagkahinala siya na kung muli siyang hahawakan ng nilalang ay tuluyan nang hihiwalay ang kaluluwa niya sa kanyang katawan.
Muling hinawakan ng nilalang ang kanyang ulo. Masidhing sakit ang bumalot sa kanyang katawan! Kinukuha nito ang kanyang kaluluwa! Inihihiwalay sa kanyang katawan!
“Halt!” malakas niyang sigaw sa ginagawa nito. Napapikit siya.Ngunit nanlaban siya. Hindi niya alam kung gaano katagal ang naging tunggalian nila ng nilalang.
“Bakit ka ba patuloy na lumalaban? Ang katawan mong lupa ay di na gagaling. Kung mananatili ka diyan ay makikita mo lamang ang pag-agnas niyan! “ galit na ang boses ng nilalang. Binawi nito ang kamay.
Nawala na ang sakit. Naiwan na lamang ang sakit ng sariligg sugat niya, ang panlalamig ng katawan niya at panghihina. Ngunit nanatiling buhay siya,humihinga.
“Sino ka para desisyunan ang buhay ko?” asik niya dito.
“Isa siyang miyembro ng Shadow guild. Tungkulin nilang kunin ang mga kaluluwa ng mga tao sa mundong ito at dalhin sa dapat na patunguhan ng mga ito.” singit ng isang boses babae.
Noon nasamyo ni Rolf ang mga bulaklak ng violets. Saglit lang iyon at agad ding nawala.
“Huwag kang maki-alam sa trabaho ko Ylora!” banta ng taga Shadow guild.
Nakita ni Rolf ang isang magandang babae na may gintong buhok at gintong mga mata. Tumutok ng husto sa kanya ang mga mata nito. Tumawa.
“Hindi mo basta-basta makukuha ang kanyang kaluluwa Shadow. Malakas ang kanyang espiritu,matibay ang kanyang isipan.”
“Walang sinuman na maaring makatanggi sa pagsundo namin! Iyon ang batas!”
“Pero ang isang ito ay di marunong sumunod sa mga batas na iyan. Ang isang ito ay gagawa ng kanyang sariling batas.”
“Kalokohan!”
Binalingan siyang muli ni Ylora.
“Mula ako sa Sinister Clan, Rolf Warburg. At naririto ako upang bigyan ka ng isang pagkakataon na muling mabuhay.”
“Huwag kang makinig sa kanya Rolf! Ang mga pangako ng mga Sinisters ay may kapalit! Mapapahamak ka! Ang ini-aalok ko sa iyo ay isang bagong buhay, sa isang mundo kung saan walang sakit, walang kahirapan. Doon ay matatamo mo ang isang walang katulad na kaligayahan!”
“O isang walang katapusang kaparusahan kung mapapatunayan ng mga huwes doon na gumawa ka dito ng kasamaan. At nakagawa ka ng ganoong kasamaan Rolf. Hindi mo sadya,pero ang isang bala ng baril mo ang siyang pumatay sa inosenteng bata kanina sa gitna ng kaguluhan.”
“Makikita ng mga huwes na hindi niya sinasadya ang kasalanang iyon!”
“Sumamaka sa akin Rolf, gagawin kitang immortal at makapangyarihan! Lahat ng nais mong makuha ay magiging iyo!” udyok ni Ylora.
“Isa iyang kasinungalingan! Dahil ang magiging kapalit niyan ay ang kaluluwa mo! Mawawalan ka ng kalayaang mag-desisyon. Magiging alipin ka ng Sinisters. Sumusunod sa lahat ng kanilang kagustuhan!”
Nag-apoy ang mga mata ni Ylora. Isang nag-aapoy na latigo ang lumabas sa kamay nito.
“Binigyan kita ng pagkakataon na kumbinsihin siya kanina Shadow. Nabigo ka. Ako naman ang kukumbinsi sa kanya ngayon!”
“Sa akala mo ba ay basta ko na lamang papayagan na maging bahagi siya ng Sinisters? Ang mga katulad ninyo ang nagdadala ng gulo at kalagiman sa mundong ito! At huwag mong itanggi na kayo ang nagpasimula ng rebolusyong kumakalat ngayon sa buong Europa!” isang silver rod ang lumabas sa kamay ng Shadow.
“Hmm. Mukhang nakahanda ka ring lumaban para makuha siya. Kung ganoon, humanda ka.”
Iniwasiwas ni Ylora ang latigo nito. Naglabasan naman ang mga kidlat sa tungkod ng Shadow. Nagsimula ang labanan para sa kaluluwa ni Rolf Warburg!